Tuesday, May 7, 2013

A Mother's Day Special: Kay Inay


“Ang awiting ito’y para sayo
At kung maubos ang tinig di magsisisi
Dahil iyong narinig mula sa labi ko
Salamat! Salamat…”

Hindi ko lubos na mawari kung sapat na ba ang maialay ko itong natatanging musika ni Yeng Constantino upang magantihan man lang ni katiting ang pawis at hirap na kanyang pinuhunan sa aming magkapatid magmula pa ng mahimbing pa kaming natutulog sa kanyang sinapupunan.

Ang aking ina’y sumisimbolo sa bawat inang nagsusumikap sa bawat tahanan mabigyan lamang ng karampatang buhay ang kani-kanilang mga anak sa bawat araw na ginawa ng Maykapal.

Gaya ng aking inay, bawat isa sa kanila ay nakikipaghabulan sa oras at pilit bumabangon bago sumapit ang bukang liwayway upang magtrabaho. Bawat isa sa kanila ay kinakaya ang mga pasakit na dala ng mga suliranin upang mapagtagumpayan ang hamon ng bawat araw. Bawat isa sa kanila ay pasan ang daigdig, daigdig na walang ibang ginawa kundi ang pagbuhatan sila ng kamay na mapait na karanasan lamang ang kinukubli.

Ang Inay ay hindi naiiba sa pangkalahatan. Nasa kanya na lahat ng maaaring makitang katangian sa isang natatanging magulang. Maaruga. Mapagkalinga. Maalahanin. Malambing. At higit sa lahat, mapagmahal. Ngunit ang mas nangingibabaw sa lahat ay ang walang katapusang sakripisyong kaya niyang ilaan sa pamilyang ito dahil lang sa mahal niya kami.

Kay Inay, marami pong salamat sa walang hanggang pagmamahal na ibinibigay nyo po sa aming magkapatid, at ipagpatawad nyo po kung minsa’y nagiging pasaway po kami’t sumusuway sa inyong utos na alam naman po naming kapakanan lang ng bawat isa sa ami’y inyong hangad. Wagas pong pagmamahal ang iniaalay namin para sa inyo ngayong Araw ng mga Ina.

Sa lahat ng mga magulang, taos-pusong pasasalamat ang nais kong iabot sa inyong lahat sapagkat naririyan at naririto kayo palagi upang suportahan gabayan kami sa bawat hakbang ng aming buhay.

Sa mga oras na ito’y maluha-luha ko pang ipinagpapasalamat sa Panginoon ng lubos dahil nabigyan ako ng isang natatanging inay. Sa iyo, minamahal kong nanay, “Salamat! Salamat…” at ika’y aking naging Tanging Ina. 



Photo credits: wishespoint.com



0 comments:

Post a Comment